Monday, August 17, 2009

proseso ng komunikasyon

PROSESO NG KOMUNIKASYON


Santiago T. Flora Jr.





May iba’t ibang hulwaran o modelo ng proseso ng komunikasyon na magagamit sa pagpapaliwanag at pagsusuri sa kominkasyon. Napiling talakayin dito ang prosesong NMDT (nagpapadala-mensahe-daluyan-tumatanggap). Makatutulong ang modelong ito sa pagpapaliwanag sa isang sitwasyong pangkomunikasyon. Dito, susuriin natin ang bawat kaganapan sa nagaganap na proseso ng komunikasyon.





Kung titingnan natin ang larawan sa itaas, makikita natin na may 5 salik (essence) ang proseso ng komunikasyon; nagpapadala, mensahe, daluyan, tumatanggap at tugon o feedback. Suriin natin isa-isa ang bawat salik sa proseso.


Nagpapadala


Sa nagpapadala nagmumula ang mensahe. May limang bagay ang nakakaapekto sa nagpapadala sa anumang mensahe na kanyang nais iparating.



Kasanayang pangkomunikasyon


Ugali


Kaalaman


Katayuang panlipunan


Kultura


(Nakakaapekto rin sa tagatanggap ang 5 bagay na nabanggit)

Ang kakayahan natin sa pagpapadala at pagtanggap ng mensahe ay nakabatay sa ating mga kasanayang pang-wika (verbal communication skills). May limang kasanayang pangwika; dalawa sa kasanayang ito ay nauukol sa kasanayan sa pagpapadala ng mensahe, ang pasasalita at pagsusulat; ang dalawa ay nuukol sa pagtanggap, ang pakikinig at pagbasa. Ang panlimang kasanayan naman ay mahalaga sa kapwa pagpapadala at pagtanggap ng mensahe. Ito ang kakayahan sa pag-iisip o pangangatwiran. Malaki ang maitutulong ng pagkabihasa natin sa mga kasanayang ito sa ating mabisang pakikipagkomunikasyong verbal.


Makikita rin ang kahusayan natin sa komunikasyon sa ating kakahang gumamit ng mga komunikasyong di-verbal .


Ugali, ang isa pang bagay na nakakaapekto sa ating pagpapadala at pagtanggap ng mensahe. Malawak ang saklaw ng pag-uugali. Subalit sa talakayang ito sikapin nating ituon ang ugali sa pangkalahatang nararandaman ng isang tao tungkol sa isang bagay. Halimbawa, maaring positibo o negatibo ang ating reaction sa opinion o mungkahi ng isa mong kamag-aral.


Nakakaapekto ang ugali sa ating pakikipagkominikasyon sa tatlong paraan. Sa ating sarili, sa paksa at sa tagatanggap o kausap.


Sa sarili – ito ang ating nararandaman habang pinapadala natin ang mensahe. Mapapansin ng tumatanggap kung tayo ay nasisiyahan o hindi. Nababawasan ng bisa ang ating mensahe kung makikita ng kausap ang kawalan o kakulangan ng tiwala sa sarili.


Sa paksa – ito ang ating nararandaman tungkol sa isang bagay. Kadalasan, sa pananaw natin ibinabatay ang ating sinasabi. Maaring puro magagandang bagay lang ang iyong sasabihin tungkol sa isang bagay dahil gusto mo ito. Maari mo ring sadyang iwasang sabihin ang mga masamang bagay ukol dito dahil nga sa iyong pananaw o nararandaman.


Sa tagatanggap o kausap – ang nararandaman natin tungkol sa ating kausap ay malaki rin ang nagagawa sa nilalaman ng ating mensahe. Maaring iba ang ating mensahe kung tayo ay nagagalit o natutuwa sa ating kausap. Gayon din, iba ang paraan ng ating pakikipag-usap sa mga taong nakababa ang posisyon kaysa atin at sa mga taong nakatataas ang posisyon.


Kaalaman, malaki ang epekto ng ating nalalaman tungkol sa isang bagay para sa ating mabisang pakikipagkomunikasyon. Ang isang magsasaka halimbawa ay buong tiwala sa sariling makapagpapaliwanag tungkol sa pagtatanim at pangangalaga sa mga peste sa palay. Subalit makakarandam siya ng kaba kung ang pag-uusapan ay ang trapiko at iba pang problemang panlunsod.


Katayuang panlipunan – nakakaapekto sa paraan ng pagpapahayag ng nagpapadala at tumatanggap ng mensahe ang kanyang katayuan. Bawat isa sa atin ay may katayuang kinabibilangan sa lipunan. Kabilang sa katuyuang ito ang pamilya, paaralan, simbahan, pamahalaan, o barkadahan.

Kultura – higit na magiging mabisa ang komunikasyon kung ang nag-uusap ay may parehong kultura. Halimbawa ang pagbibigay ng biro (joke) ay magiging mabisa lamang kung ang nagbibigay at tumatanggap ng biro ay may parehong karanasan.


Mensahe




Bawat mensahe ay may dalawang aspeto. Ang nilalaman at pananaw. Sa laman ng mensahe makikita ang tema, dating at katwiran. Halimbawa ang isang lider ng kabataan ay hihiling sa isang kongresista na magpatayo ng isang palaruaan. Maaring maging laman ng kahilingan ang dahilan kung bakit dapat magtayo ng palaruaan sa kanilang lugar, ang halagang gugulin sa pagpapatayo at ang benepisyong matatamo ng komunidad sa pagpapatayo ng nabanggit na proyekto.


Sa pananaw naman makikita ang ayos ng mensahe. Sa halimbawang nabanggit sa itaas, maaring ayusin ng lider ng kabataan ang kanyang mensahe sa paraang higit na katanggap-tanggap sa kongresista. Siguro higit na makabubuting bigyan diin sa mensahe ang benepisyo at dahilan ng pangangailangan sa nabanggit na palaruan kaysa sa halagang magugugol.


Daluyan





Ayon sa mga social scientist, may dalawang anyo ng daluyan ng mensahe. Ito ay ang pandama (sensory channels) na kinabibilangan ng paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa at pakirandam, at institusyonal (institutionalized channels) sa pamamagitan ng tuwirang pakikipag-usap, sa pamamagitan ng sulat o sa pamamagitan ng mga kagamitang electronics tulad ng telepono, computer, beeper, fax atbp.










Bawat daluyang institusyonal ay nanganga-ilangan ng isa o higit pang daluyang pandama. Halimbawa sa ating tuwirang pakikipag-ugnayan tunog sa pandinig, galaw sa paningin, at paghawak sa kamay para sa pakirandam.


Ang tuwirang pakikipagkomunikasyon ang pinakamainam gamitin kung ang layunin ay agad makatawag pansin at makakuha ng dagliang tugon.


Tumatanggap


Ang tumatanggap ng mensahe ay dapat magtuon ng pansin, magpakahulugan at tumugon sa mensahe. Layunin ng komunikasyon na mapaabot ang mensahe sa pinatutungkulan nito. Dapat isaalang alang ng nagpapadala ng mensahe na ang pinakaunang hakbang sa papapaabot ng mensahe ay kung paano matatawag ang pansin ng kausap. Matapos matawag ang pansin ng kausap ay dapat namang maipaunawa na wasto ang mensahe. Ang pagtawag ng pansin at pagpapaunawa ay pamamaraan kung saan dapat isaalang alang ang mga bagay na nakakaapekto sa pagpapadala ng mensahe. (kasanayang pangwika, ugali, kaalaman, katayuang panlipunan at kultura)


Matapos maituon ang pansin at maunawaan ang mensahe, ang susunod na hakbang ng tumatanggap ay ang pagtanggap. May tatlong antas o level ang pagtanggap. Una, pagkilala, naniniwala ang tumatanggap ng mensahe na tama ang nilalaman nito. Pangalawa, bisa, hindi lang naniwala sa katumpakan ng mensahe subalit naniwala rin ng may mabuting maidudulot o bisa ito. Pangatlo ay ang aksyon o pagkilos na dapat isagawa bunga ng mensaheng natanggap.


Tugon


Masusukat ang kahusayan ng komunikasyon sa pamamagitan ng tugon. Ang tugon ay maari ring paraanin sa parehong daluyuan o sa ibang daluyan ayon sa hinihingi ng pagkakataon papunta sa nagpadala ng mensahe. Sa pagpaparating ng tugon dapat muling isaalang-alang ang mga bagay na nakakaapekto sa pagpapadala ng mensahe.




Ang tugon ay sukatan ng implwensya o kapangyarihan – Sa isang bansang demokratiko tulad natin, napakahalaga ang implwensya sa pamayanan o komunidad. Kung ang isang lider o isang grupo ay naging matagumpay sa pangangalap ng pondo para sa isang proyekto, masasabi ng lider o grupong ito na sila ay maimplwensya sa komunidad. Subalit kung walang sumuporta sa kanilang proyekto, masasabi namang silang walang implwensya o kapanyarihan sa komunidad. Samaktwid, maari nating sabihing ang implwensya o kapangyarihan ay nakasalalay sa kahusayan sa komunikasyon.



1 comment: